Photo courtesy: Greenpeace Philippines
Maaaring patawan ng paglabag sa international laws ang mga bansang bigong protektahan ang planeta sa epekto ng climate change.
‘Yan ang naging desisyon ng pinakamataas na korte ng United Nations na International Court of Justice (ICJ).
Sa landmark decision ng korte sa Peace Palace sa The Hague nitong Miyerkules, sinang-ayunan ng labinglimang judge ng ICJ na dapat managot ang mga bansang pabaya sa climate change.
ADVERTISEMENT
Ayon sa korte, dapat umaksyon ang mga bansa para resolbahin ang climate change — kabilang dito ang pagpapababa ng greenhouse gas emissions, pagtalima sa global climate agreements, at pagprotekta sa vulnerable populations at ecosystems.
Ayon kay ICJ President Yuji Iwasawa, cross-border ang epekto ng climate change.
Kaya kung bigo ang isang bansang umaksyon para tugunan ito, maituturing itong internationally wrongful act.
Binigyang-diin ng korte na ang malinis, malusog, at sustainable na planeta ay karapatang pantao.
ADVERTISEMENT
Ibig sabihin, maaaring sampahan ng reklamo ng bansang lubos na naaapektuhan ng climate change ang mga bansang top polluters o may malaking ambag sa paglala ng klima.
Isa ang Pilipinas sa maaaring magsampa ng reklamo lalo’t madalas itong salantahin ng malalakas na bagyo, malalang El Niño at La Niña, at iba pang sakuna na mas pinalubha ng climate change.
Hinimok ng ICJ ang mga industrialized na bansa na gumawa na ng mga pamantayan para masigurong aaksyon sila para resolbahin ang climate change, alinsunod sa landmark decision ng korte.
ADVERTISEMENT
Climate action, prayoridad dapat sa SONA — Greenpeace
Climate action.
‘Yan din ang panawagan ng grupong Greenpeace Philippines kasunod ng mga pagbaha sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.
Bilang panawagan at protesta, naglagay ng standee ng pangulo ang grupo sa mga binahang lugar sa Cainta, Rizal.
ADVERTISEMENT
Ayon sa Greenpeace, prayoridad dapat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address ang pag-aksyon para matugunan ang epekto ng climate change.
Anila, dapat nang habulin at panagutin ng administrasyong Marcos Jr. ang mga bansang top polluters.



