Naglunsad ng protesta at tigil-pasada ang grupong Manibela sa Philcoa sa Quezon City para ipanawagan ang pagbuwag sa SAICT o Special Action and Intelligence Committeee for Transportation ng Department of Transportation na umano’y panggigipit sa mga tsuper ng pampasaherong sasakyan.
Ayon kay Manibela chairman Mar Valbuena, pahirap sa taumbayan ang DOTr-SAICT lalo’t wala umanong silang mandato kaya’t nararapat na tanggalan ng deputization ang grupong ito.
Tinatayang nasa 10,000 miyembro ng Manibela ang lumahok sa protesta ngayong lunes para ipaglaban ang kanilang panawagan.
Gayunpaman, iginiit ni Valbuena na pabor naman sila sa pagtiyak na road-worthy ng mga sasakyan pero patuloy umanong mino-monitor at hinahanapan ng violation ang mga driver kahit kumpleto ang papel at maayos ang mga jeepney.



