Nagbabala ang PAGASA na magdadala ng maulap na kalangitan at pag-ulan ang shear line sa silangang bahagi ng hilaga at gitnang Luzon ngayong araw.
Posibleng makaranas ng flash flood at landslide ang mga lalawigan ng Cagayan Valley, Bicol Region, ilang bahagi ng Visayas, at Mindanao dahil sa katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan dulot ng shear line, easterlies, at ITCZ.
Patuloy namang makaaapekto ang northeast monsoon o amihan sa hilagang Luzon at Central Luzon, kabilang ang Metro Manila, na magdudulot lamang ng bahagyang pag-ulan at walang inaasahang malaking epekto.
Pinag-iingat ang mga mangingisda dahil sa katamtaman hanggang maalon na karagatan sa Northern at Central Luzon, kung saan inaasahan ang malalakas na hanging amihan.



