Makabayan bloc, isinusulong ang pagbabasura ng Anti-Terror Law | News Light

📅 July 4, 2025 01:08 PM PHT  |  ✏️ Updated July 4, 2025 01:08 PM PHT
👤 Carlene Latuna  |  📂 News Light, Latest News

Limang taon matapos ipatupad ang Republic Act No. 11479 o ang Anti-Terrorism Act of 2020, naghain sina ACT Teachers party-list Representative Antonio Tinio at Kabataan party-list Representative Renee Co ng panukalang magpapawalang-bisa sa naturang batas.

Inihain ng Makabayan bloc ang House Bill No. 1272 dahil sa paggamit umano ng batas upang takutin at patahimikin ang mga kritiko at mamamahayag sa bansa.

Iginiit ng mga mambabatas na ang Anti-Terror Law ay taliwas sa demokratiko at sa prinsipyo ng karapatang pantao na nakasaad sa 1987 Constitution.

Iginiit nila na pinahintulutan ng batas ang hindi makatarungang red-tagging, harassment, pagpapakulong, at pagpatay sa ilang indibidwal.

Dagdag pa nila, malabo ang depinisyon ng “terrorism” sa batas at itinuring dito na krimen ang lehitimong panawagan ng mga Pilipino para sa hustisya at pagbabago.

Panahon na anila na itigil ang pananakot sa mga Pilipinong nais lamang maglahad ng katotohanan.

Kasabay nito, nagsagawa rin ng kilos-protesta kahapon ang ilan pang grupo sa harap ng Department of Justice upang ipanawagan ang pagpapabasura sa Anti-Terror Law.