Mag-asawa at sekretarya, arestado sa umano’y halos P5-B investment scam

📅  |  ✏️ Updated
Photo courtesy of BNC

Arestado ang mag-asawang itinago sa alyas na “Ron” at “Shiela”, kapwa 34-anyos, sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya sa Occidental Mindoro at Batangas dahil sa umano’y halos P5 bilyong investment scam na kinasasangkutan ng mga ito.

Nahuli rin ang kanilang 29-anyos na sekretrarya sa isang hiwalay na operasyon sa Alitagtag, Batangas.

Inaresto ang mag-asawa sa Calintaan, Occidental Mindoro sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Syndicated Estafa na inisyu ng Las Piñas City Trial Court.

Base sa ulat ng pulisya, nagsimula ang panloloko ng mga suspek noon pang 2021 kung saan hinihikayat ng mga ito ang kanilang biktima na mag-invest sa negosyong konektado umano sa PAGCOR, E-Bingo at Cement Production, kaakibat ng pangakong doble-dobleng kita sa loob lamang ng sampung araw.

Sa una ay maganda umano ang kalakaran hanggang sa nagtalbugan na ang mga tsekeng inisyu ng mga ito noong 2023 sa kanilang mga biktima na agad namang humigi ng tulong sa Department of Justice.

ADVERTISEMENT

Samantala, bukod sa syndicated estafa, nahaharap din ang mga suspek sa kasong falsification of documents, usurpation of authority, illegal use of uniforms and insignia, at paglabag sa Bouncing Checks Law.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy at mapanagot ang mga posible pang kasabwat ng mga ito sa naturang krimen.