
Magpapatupad ng mas mahigpit na patakaran ang Land Transportation Office (LTO) sa tulong ng Department of Transportation (DOTr) hinggil sa speed limit at iba pang safety measures sa lahat ng expressway sa bansa sa pamamagitan ng mas maraming deputized enforcers.
Ayon kay LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, mahalaga ang maximum visibility ng mga enforcer upang maiwasan ang overspeeding.
Pinuna niya rin ang kakulangan ng presensya ng mga enforcer sa ilang bahagi ng expressways noon at ang pangangailangan ng real-time response para sa mga lumalabag sa batas-trapiko.
Giit pa niya, delikado ang kasalukuyang sistema na hinahayaan munang mag-exit ang overspeeding violator bago hulihin.
Sa datos ng PNP-Highway Patrol Group, higit 31,000 na aksidente sa kalsada ang naitala noong 2024, at 13% nito ay sa expressways na karamihan ay fatal.