Inaasahang aaprubahan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ₱1 taas-pasahe alinsunod sa pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Batay sa pahayag ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, piso ang itataas ng presyo at walang per-kilometer hike dahil ito ay makabibigat pa sa publiko.
Matatandaang noong Pebrero 19, 2025, nanawagan ng dagdag-pasahe ang transport groups na Pasang Masda, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), at Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO) bunsod ng pagtaas ng presyong langis.
Ayon kay ALTODAP president Melencio Vargas, maaaring bumaba lang ang pamasahe kung babalik sa normal ang presyo ng petrolyo. (Edrei Mallorca)
Ang pagtaas ng presyo ng langis ay dulot ng umiigting na sigalot sa pagitan ng bansang Israel at Iran.
Samantala, apela naman ni transport group Manibela chairperson Mar Valbuena, hindi nila hinihingi ang pisong taas-pasahe—makakadagdag-bigat lamang raw ito sa bulsa ng tsuper at komyuter.