Patuloy na binabantayan ng state weather bureau ang Low Pressure Area na nasa 415 kilometers kanluran ng Bacnotan, La Union habang patuloy namang nakaaapekto ang habagat sa Timog Luzon, Visayas, at Mindanao.
Ayon sa PAGASA inaasahang magiging maulan sa Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, Occidental Mindoro at Palawan na posibleng magdulot ng flash floods at landslides.
Habang asahan naman ang maulap na kalangitan at kalat-kalat na pagulan na maaaring magresulta rin sa biglaang pagbaha sa Metro Manila, Visayas, Bicol Region at iba pang bahagi ng Central Luzon, MIMAROPA, at CALABARZON.
Inaasahan naman sa Mindanao at natitirang bahagi ng Luzon ang maulap hanggang sa maulan na panahon sa hapon pagabi.
Samantala umabot sa halos 13,000 mga residente sa Bulacan at Zamboanga City ang apektado ngayon ng mga pag-ulan at bahang dala ng Low Pressure Area at southwest monsoon.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development, nagpadala na sila ng tulong ng humigit sa P500,000 halaga ng pagkain at non-food items sa mga apektadong residente.