Sinimulan nang isagawa ang libreng pagbabakuna ng first dose ng anti-human papillomavirus (HPV) sa Laoag City, Ilocos Norte nitong Martes, unang araw ng buwan ng Hulyo.
Pinangunahan ng Office of the Presidential Assistant for Northern Luzon, kasama ang Department of Health at lokal na pamahalaan ng Laoag City, ang pagbabakuna sa mga batang babae na may edad 9 hanggang 14 na taong gulang.
Sa panayam kay Presidential Assistant for Northern Luzon Ana Carmela Remigio, target umano nilang mabakunahan muna ang tatlong libong batang babae para sa first dose, at kalaunan ay umabot sa pitong libo para sa buong lalawigan ng Ilocos Norte.
Bukod sa bakuna, nagsasagawa rin ang aktibidad ng libreng cervical at breast cancer screening tests para sa mga kababaihang edad 30 hanggang 65 taong gulang.
Layon ng aktibidad na matiyak ang kaligtasan at kalusugan ng mga kababaihan at kabataan sa lalawigan.
Ang nasabing libreng pagbabakuna ay isasagawa hanggang Hulyo 3 sa Laoag Centennial Arena.
Sa Pilipinas, ang cervical cancer ang pangalawa sa listahan ng mga pangunahing sanhi ng cancer, habang ang cancer naman ang ikaapat na pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga kababaihan. (Evan Clemente/ News Light)