Kinagiliwan ng mga netizen at ng mga dumalong manonood ang iba’t ibang aktibidad na isinagawa sa isang paligsahan sa Brgy. Bayate, Liliw, Laguna.
Isa sa mga tampok na laro ay ang karera ng pagkukudkod ng niyog na tila nagbalik sa makulay na kulturang Pilipino.
Kanya-kanyang bitbit ng kudkuran ng niyog ang mga kalahok sa paligsahang pinangunahan ng Sangguniang Barangay ng Bayate sa bayan ng Liliw.
Gamit ang kahoy na tinulisan ang magkabilang dulo bilang pangbalat ng niyog, dalawa sa isang pares ang kalahok, habang babae naman ang magkukudkod ng niyog.
Kung sino ang unang makatapos ay siyang magwawagi at makakatanggap ng halagang limang daang piso, habang tig-iisang daang piso naman ang matatanggap ng mga hindi mananalo.
ADVERTISEMENT
Ayon kay Kagawad Precilla Bernardino, layunin ng aktibidad na ibalik ang kulturang Pinoy sa tradisyunal na pamamaraan ng pagkukudkod ng niyog na literal na ginagamit noong unang panahon.
Aniya, sa kasalukuyan ay ang millennials at Gen Z ay gumagamit na ng mga makabagong makinarya tulad ng electric grinder, o kaya’y bumibili na lamang ng ready-to-use na coconut milk sa mga convenience store. (Kevin Pamatmat/News Light)



