Koreano at 2 Pilipinong sangkot sa crypto-trafficking sa Pampanga, arestado | News Light

📅 November 18, 2025 2:29 PM PHT

Arestado ang isang Korean national at dalawang Pilipinong sangkot sa iligal na cryptocurrency farming at human trafficking sa operasyong ikinasa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Angeles City, Pampanga.

Nagkunwaring manager ng isang business process outsourcing o BPO company ang Koreano, kinilala bilang ‘Jong’, 47 years old na lalaki.

Kasama ang dalawang Pinoy na sina alias ‘Reg’, isang 26-year-old na lalaki, at alias ‘Mary’, isang 31-year-old na babae, pinwersa umano nila na magtrabaho sa online cryptocurrency gaming ang 58 indibidwal, kabilang ang dalawang menor de edad, na ang akala’y mamasukan bilang call center representative.

ADVERTISEMENT

Nakuha sa operasyon ang 132 sets ng desktop computer, 44 units ng cellphone, at dalawang router na may kabuuang halaga na mahigit 1.5 million pesos.

Makakasuhan ang mga suspek para sa paglabag sa The Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 na may kaugnayan sa The Cybercrime Prevention Act of 2012.