Matapos ang Setyembre 21, kung saan naganap ang ‘Trillion Peso March’ kasabay ng ‘Bahain ang Maynila’ na nauwi sa riot, pambabato at iba pang karahasan — kumusta na kaya ang Maynila ngayon?
Ilang linggo nang nakasara ang gate na daanan papuntang Malacañang at mahigpit itong binabantayan ng mga awtoridad dahil sa posibleng banta ng pag-atake.
Asahan ang mga protesta hindi lang sa Linggo kundi pati ngayong araw para sa Black Friday protest, na kaalyado ng Trillion Peso March Movement na nananawagan ng transparency at accountability mula sa gobyerno.
Matatandaang noong Setyembre 21, nauwi sa pambabato at pangha-harass ang protesta na nagresulta sa pag-aresto — kabilang ang ilang menor de edad. Nagpaalala ang MPD sa mga magulang na huwag isama ang mga bata. Ayon sa CHR, 91 ang dinala sa Women and Children Protection Center ng PNP at DSWD.
ADVERTISEMENT
Handa na ang Manila Police District para sa kilos-protesta at full alert na rin ang NCRPO kung saan abot sa 15,097 pulis ang ide-deploy, kabilang ang 8,805 mula NCRPO, 6,292 mula RSU, at iba pang regional offices.
Nag-anunsyo rin ang One U-Belt na magmamartsa sila mula Luneta patungong Mendiola, habang sasama rin ang Film Workers Against Corruption sa Luneta protest.
Patuloy ring ipinatutupad ang anti-balaclava ordinance sa Maynila, kung saan bawal ang helmet, mask, balaclava at sombrero sa loob ng public establishments.
Nilinaw ng Manila LGU na ang mga rider ‘in motion’ ay maaaring magsuot ng helmet at balaclava at sisitahin lamang ang mga rider na bumaba at lumalayo ng higit 3 metro mula sa kanilang motor. (Austin Gonzaga/News Light)




