Naghain ng mga kasong plunder, bribery, malversation, at graft ang mga pinuno ng civil society organizations laban kay Vice President Sara Duterte at labing-limang iba pa dahil sa umano’y mali at ilegal na paggamit ng mahigit ₱612 milyong confidential funds.
Kabilang sa mga nagreklamo sa Office of the Ombudsman sina dating Finance Undersecretary Cielo Magno, Ramon Magsaysay awardee Fr. Flavie Villanueva, Fr. Robert Reyes, at dating peace adviser Teresita Deles.
Ayon sa mga nagsampa, inilihis, inabuso, at itinago ang confidential funds sa pamamagitan ng isang coordinated scheme sa Office of the Vice President at Department of Education na pinamunuan ni Vice President Duterte mula 2022 hanggang Hunyo 2024.
Giit pa ni Fr. Villanueva, public funds ang confidential funds at dapat sumailalim sa mahigpit na pananagutan at pagsusuri.
Ayon naman kay Magno, hindi immune sa kaso ang bise presidente.
ADVERTISEMENT
Aniya, may mga sinumpaang salaysay na umano’y nagpapakita ng abuso, pero may mahahalagang ebidensiyang hindi pa lumalabas, kabilang ang bank accounts at mga ulat kung saan napunta ang pondo.
Nasa Office of the Ombudsman na ang kaso para sa imbestigasyon.



