Justice Sec. Remulla, inireklamo sa Ombudsman sa pag-aresto ng kapatid ni Alice Guo | News Light

📅  |  ✏️ Updated
👤 Newslight  |  📂 News Light, Latest News

Nag-file ng complaint ang abogadong si Ferdinand Topacio sa Office of the Ombudsman laban kay Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla at National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago kaugnay ng pag-aresto at pagkakakulong kina Cassandra Li Ong at Sheila Leal Guo.

Kasama rin sa complaint ang ilang hindi pinangalanang NBI agents bilang respondents.

Ayon kay Topacio, inaresto ang dalawa nang walang warrant matapos ma-deport mula Indonesia pabalik sa Bureau of Immigration.

Aniya, ilegal ang pag-aresto kay Ong at Guo dahil ang tanging basehan lamang ay ang contempt at arrest order na magkahiwalay na inisyu ng Senado at Kamara.

Apat na araw umanong ikinulong si Ong sa NBI headquarters sa Quezon City bago ibinalik sa kustodiya ng House of Representatives.

ADVERTISEMENT

Sunod namang inilipat si Guo sa Senado. Idinetalye rin sa affidavit na nang tanungin ni Topacio si Santiago hinggil sa basehan ng detention, sinabi nitong utos daw ito ni Remulla.

Sinampahan sina Remulla at Santiago ng arbitrary detention sa ilalim ng Article 124 ng Revised Penal Code para sa umano’y pag-aresto nang walang legal na basehan, gayundin ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.