Isang lalaki sa Cavite, isinauli ang napulot na perang nagkakahalaga ng 23K

📅 June 4, 2025 02:43 PM PHT  |  ✏️ Updated June 4, 2025 02:43 PM PHT
👤 Maricon Rodriguez  |  📂 Cavite, DZJV Radyo CALABARZON
Photo Courtesy: Sid Samaniego

Isinauli ng isang 45-anyos na lalaki ang napulot nitong wallet na naglalaman ng perang nagkakahalaga ng ₱23,000, mga ID’s, at mahahalagang dokumento sa Brgy. Tejero, General Trias, Cavite.

Kinilala ang lalaki na si Allan M. Olaya isang runner.

Ayon kay Olaya, bagama’t walang nakakita nang mapulot niya ang wallet, pinili niyang isauli ito dahil alam niya ang pakiramdam ng mawalan.

Ipinagbigay alam  ni Olaya sa pangulo ng kanilang grupong Rosario Runners ang napulot na pitaka at agad itong nag post sa social media upang mahanap ang may-ari.

Kalaunan, natunton ang may-ari na si Calvin Jay Sumawang Pauig ng Brgy. Amaya 2, Rosario, Cavite.

Ayon sa may-ari, ang pera ay  ipinadala ng kanyang magulang bilang down payment para sa kanilang bibilihing sasakyan.

Sa kabilang banda lubos ang naging pasasalamat ni Pauig kay Olaya dahil sa katapatan nito.