Ilang saksi sa ICC probe kontra dating Pang. Duterte, nasa proteksyon ng DOJ

📅 June 27, 2025 11:30 AM PHT  |  ✏️ Updated June 27, 2025 08:27 PM PHT
👤 BALITANG A2Z  |  📂 Balitang A2Z, Krimen sa sangkatauhan, Latest News

Tatlo hanggang apat na saksi sa imbestigasyon ng International Criminal Court hinggil sa war on drugs ng Duterte administration ang kasalukuyang protektado na ng witness protection program ng gobyerno.

Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, tinutulungan sila ng gobyerno at posibleng madaragdagan pa.

Prayoridad aniya ang kaligtasan ng mga witness o saksi pero hindi sasagutin ng pamahalaan ang paglipad ng mga ito papuntang The Hague.

Inamin din niya na wala pang opisyal na sulat mula sa ICC pero may mga tawag na natanggap ang witness protection program para sa proteksiyon ng mga saksi.

Bagama’t iginiit ni Remulla na hindi miyembro ang Pilipinas ng ICC, binigyang-diin niya na obligasyon ng gobyerno na protektahan ang lahat ng Pilipino.