Epektibo na ngayong araw ang ikalawang bahagi ng big-time oil price hike na epekto ng nangyaring sigalot sa Gitnang Silangan.
Pero dahil sa idineklarang ceasefire sa pagitan ng Israel at Iran, inaasahan na magkakaroon ng rollback sa presyo ng petrolyo.
Ayon kay Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, may tsansang bumaba ang presyo ng krudo base sa Mean of Platts Singapore (MOPS).
Ang MOPS ay ang basehan ng presyo ng petrolyo sa Southeast Asia.
Ayon sa Jetti Petroleum, maaaring mag-rollback ang presyo ng diesel ng ₱0.80 hanggang ₱1.10 kada litro.
Maaari ring mabawasan ng ₱0.20 kada litro ang presyo ng gasolina.
Ayon kay DOE officer-in-charge Sharon Garin, mula sa $79 ay naging $69 na lamang ang kada barrel ng krudo kasunod ng pag-anunsyo ni U.S. President Donald Trump ng ceasefire sa Middle East.
Dahil sa posibleng hindi pagtaas ng petrolyo sa pandaigdigang merkado, maaaring hindi na ituloy ang pamamahagi ng fuel subsidy, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.