ICC, ibinasura ang hiling ng kampo ni Duterte na makuha ang lahat ng pribadong komunikasyon sa pagitan ng registry ng korte at mga independent medical expert | News Light

📅  |  ✏️ Updated

Ibinasura ng International Criminal Court (ICC) ang hiling ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na makuha ang lahat ng pribadong komunikasyon sa pagitan ng registry ng korte at mga independent medical expert na sumuri sa kanya.

Sa desisyong may petsang December 23, 2025, sinabi ng ICC Pre-Trial Chamber na bigong ipaliwanag ng depensa kung bakit “urgent” at kailangan ang paglalabas ng mga email, liham, at tala ng tawag sa mga eksperto.

Dagdag pa nito, nasa depensa na ang lahat ng kailangang impormasyon para makapaghain ng komento, at nabigyan na sila ng buong access sa mga dokumentong ipinasa sa medical panel.

Binigyang-diin din ng mga hukom na ang mga ulat ng mga eksperto na ipinasa noong December 5 ay naglalaman na ng mga batayan at instruksyong ginamit sa evaluation.

Nauna nang humiling ang kampo ni Duterte ng indefinite adjournment noong August 2025 dahil umano sa kalusugan.

ADVERTISEMENT

Pero iginiit ng prosekusyon na batay sa observation ng mga eksperto, nagkukunwari lamang na may problema sa pag-iisip si Duterte para maiwasan ang paglilitis.

Habang hinimok din ng prosekusyon ang korte na tanggihan ang panibagong hiling para sa bagong health assessment ni Duterte.