Hindi pinagbigyan ng bansang Netherlands ang asylum application ng dating presidential spokesperson at ngayo’y pugante na si Atty. Harry Roque.
Ayon ‘yan mismo sa nakalap na impormasyon ng Department of Justice (DOJ).
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, nagtungo na sa bansang Germany si Roque, at nakadepende na sa Germany kung bibigyan siya ng asylum.
Ang asylum ay ang proteksyong ipinagkakaloob ng isang bansa sa isang indibidwal na umalis ng sarili nitong bansa bilang isang refugee.
Samantala, itinanggi ni Roque na denied ang kanyang hiling na asylum sa Netherlands.
Binanatan niya rin si Remulla at sinabing nagpapakalat ang Justice Secretary ng fake news.
Nagtungo aniya siya sa Germany para makipagkita sa isang Filipino community doon, at hindi dahil ibinasura ng Netherlands ang kanyang asylum application.
Nakabalik na rin umano siya sa The Hague sa Netherlands.
Nakaabang naman ang DOJ sa napipintong kanselasyon ng passport ni Roque.
Kapag nangyari ito, maituturing na undocumented alien si Roque, dahilan para tugisin na siya ng Interpol.
Kagaya ng hakbang na ginawa ng pamahalaan para madakip at mapauwi sa Pilipinas ang pugante rin at dating mambabatas na si Arnie Teves.
Si Roque ay tinutugis ng DOJ sa bisa ng arrest warrant ng korte dahil sa human trafficking na may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Pampanga.
Kapag nahuli na si Roque, mananatili siyang nakakulong dahil ang human trafficking ay non-bailable o hindi pinahihintulutang makapagpiyansa.