May kabuuang 9,027 police personnel na ang nasibak sa serbisyo sa Philippine National Police (PNP) mula July ng taong 2016 hanggang November 26, 2025 dahil umano sa pinaigting na paglilinis sa hanay nito, ayon sa Directorate for Personnel and Records Management (DPRM).
Parte pa lamang ito ng 32,698 na pulis na napatunayang guilty sa kasong administratibo, kung saan 1,725 dito ang na-demote, 15,311 ang sinuspin, 1,221 ang hindi pinasweldo, 4,355 ang “napangaralan,” 528 ang isinailalim sa restriction, at 531 iba pang tinanggalan ng kanilang privileges bilang kaparusahan.
Naisiwalat din sa report ang 1,037 na sinisanteng opisyal dahil sa paggamit ng illegal na droga o pagkakasangkot dito.
ADVERTISEMENT
Ayon sa PNP, pinaigting pa umano ang cleansing efforts sa pulisya sa ilalim ng pamamalakad ni Acting PNP Chief Gen. Jose Nartatez Jr., kung saan naresolba umano ng 1,339 cases sa unang 92 araw niya sa serbisyo.
Nagresulta ito ng 428 dismissals, 448 suspensiyon, 71 demotions, at 1,152 na dismissed o pinawalang-sala.
Ani Nartatez, walang puwang ang ‘rogue cops’ sa kanilang institusyon, at hindi ito magdadalawang-isip na disiplinahin at tanggalin ang sumisira sa tiwala ng publiko. Patuloy din umano nitong lilinisin ang mga ranggo habang pinatitibay ang kultura ng professionalism at serbisyo. (Denniel Salayo/News Light)




