Higit 600 driver, sinuspinde dahil sa mga paglabag noong Mahal na Araw ayon sa DOTr

๐Ÿ“… April 24, 2025 12:53 PM PHT  |  โœ๏ธ Updated April 24, 2025 12:53 PM PHT
๐Ÿ‘ค Newslight  |  ๐Ÿ“‚ Abiso Trapiko, Latest News, News Light

Inanunsyo ng Transportation Department ang pagsususpindi sa higit 600 tsuper dahil sa paglabag noong Semana Santa.

Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, kabilang sa mga sinuspinde ang 97 na nagpositibo sa droga at ang driver na nag-viral sa La Union dahil sa paulit-ulit na reckless driving.

Tuluyan na ring kinansela ang lisensya nito.

Tatagal ng 90 araw ang suspension ng lisensya ng mga nagpositibo na driver.

Diin pa ni Dizon, mananagot din ang mga kumpanyang hinahayaan ang mga pasaway na driver, maging ang mga distrito kung saan nagpaparehistro ng mga ilegal na sasakyan.

Ito na ang pinakamaraming lumabag na naitala sa kasaysayan, ayon sa DOTr.

DOTr, bumuo ng special task force para repasuhin ang road safety guidelines

Bumuo ng special task force ang DOTr para repasuhin ang mga road safety guideline sa bansa.

Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, hindi katanggap-tanggap ang mga naitalang paglabag ng mga tsuper noong Holy Week, lalo na ang mga nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga.

Aniya, bubuo ng dalawang grupo ang task force para wakasan ang illegal drug use sa mga tsuper at para inspeksyunin ang mga sasakyang hindi na ligtas sa kalsada.

Balak din ng ahensya na muling isailalim sa professional drivers exam ang mga tsuper upang masigurong maalam pa ang mga ito sa road safety guidelines.

Handa naman ang ahensya na magbigay ng libreng exam.