Isang public high school teacher sa Muntinlupa ang nawalan ng buhay habang nasa classroom observation kahapon, na nagresulta sa panawagan ng mga grupo para sa reporma sa evaluation policies ng mga guro.
Kinumpirma ng Schools Division Office ng Muntinlupa ang pagkasawi ni Agnes Buenaflor, guro ng Pedro E. Diaz High School.
Kasunod ng insidente, hinimok ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) na i-review ng Department of Education (DepEd) ang mga polisiya nito hinggil sa classroom observations bilang mahalagang bahagi ng performance rating ng mga guro.
Ayon sa grupo, dapat magsilbi ang mga ganitong observation para sa ikauunlad ng mga guro at hindi gamitin bilang parusa at panghuhusga sa kanilang halaga at kakayahan.
Hindi na rin umano dapat paulit-ulit pang patunayan ng mga guro ang kanilang galing sa paraang nakakadagdag ng stress at trabaho.
ADVERTISEMENT
Ganito rin ang sentimiyento ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), na nanawagang ibasura na ang Results-Based Performance Management System (RPMS).
Sa pahayag naman ni Education Secretary Sonny Angara, sinabi niyang inayos na ang kasalukuyang guidelines batay sa huling feedback ng mga guro, kung saan required ang mga ito na magsagawa ng dalawang full-period classroom observations kada school year. (Denniel Salayo/News Light)



