Idedeklara na ng Commission on Elections (Comelec) si Gabriela party-list first nominee Sarah Elago bilang ika-64 na winning party-list representative, ayon sa anunsyo ng ahensya kahapon.
“Sure na ‘yon,” ayon sa pahayag ni Comelec chair George Erwin Garcia bilang paglilinaw sa mga agam-agam tungkol sa kung sinong representative ang mauupo sa posisyon.
Ang hakbang ay bilang pag-comply sa resolusyon ng Comelec en banc na gawing 64 mula 63 ang bilang ng party-list seats sa House of Representatives, na tamang alokasyon para sa lower house alinsunod sa 1987 Constitution.
Ipinaliwanag din ni Garcia na 19.8 porsyento lamang ng Kongreso ang represented ng 63 party-list seats na ipinroklama noong halalan 2025, kulang sa dapat na 20 porsyentong alokasyon nito.
ADVERTISEMENT
Magiging 20.4 porsyento na ang alokasyon ng House membership sa pagpasok ng Gabriela. Pero mas mabuti na raw na sobra kaysa kulang upang masunod ang Konstitusyon, ayon kay Garcia.
Pagdedesisyunan ng Comelec en banc ang proklamasyon sa Miyerkules, at gagawin itong opisyal tentatively sa araw ng Huwebes. (Denniel Salayo/News Light)



