Nanawagan ang Gabriela Women’s Party ng pananagutan mula sa Armscor Global Defense Inc. matapos ang nakamamatay na pagsabog nito sa Brgy. Fortune, Marikina City nitong Lunes, July 7.
Nasawi ang dalawa sa manggagawa nito at sugatan ang isa pa.
Ayon kay dating representative Sarah Elago na siyang National Vice Chair ng Gabriela, obligasyon ng mga employer na siguraduhing ligtas ang kanilang trabaho.
Giit ni Elago, hindi ito simpleng aksidente dahil maaaring kriminal na kapabayaan ito kung malalaman sa imbestigasyon na may paglabag sa safety protocols.
Kasunod nito, muling iginiit ng Gabriela ang pag-amyenda sa Occupational Safety and Health Law para isama ang criminal liability ng mga employer na nagpapabaya sa kaligtasan ng manggagawa.
ADVERTISEMENT
Matatandaang nasunog din ang Armscor noong February 2024 kung saan aabot sa P14-milyon ang halaga ng danyos.
Panawagan pa ng Gabriela, isang malinaw at transparent na imbestigasyon at hustisya para sa mga biktima.



