Maliban sa talento at husay sa trabaho, kilala rin ang mga Pinoy sa pagbibigay ng serbisyo na higit pa sa hinihingi sa kanila.
Isa na nga sa mga Pilipinong kinilala para dito ay ang nurse na finalist ng Aster Guardians Global Nursing Award 2025.
Sa 100,000 na aplikasyon mula sa 199 na bansa, isa si Fitz Gerald Dalina Camacho sa sampung finalist na kinilala dahil sa kanyang mga inisyatibo na palakasin ang mga clinical educational system at tiyakin ang kaligtasan ng mga pasyente.
Ang Dubai-based nurse ay kinilala para sa kanyang inisyatibo na magtayo ng Life Support Training Center kasama ang American Heart Association.
Naglunsad rin siya ng Continuous Medical Education program, at nag-develop ng komprehensibong adult and pediatric nursing upskilling programs.
Kinilala rin ng Aster Guardians ang pag-aabot ng tulong ni Fitz sa mga underserved communities na nangangailangan rin ng tulong.
Malalaman ang winner ng Aster Guardians Global Nursing Award sa Mayo 26 sa Dubai.
Matatandaang noong nakaraang taon, ang Filipina nurse na si Maria Victoria Juan ang nagwagi ng nasabing parangal.