Pinangunahan ni Laguna Governor Sol Aragones ang isang emergency meeting kahapon kasama ang mga opisyal ng DepEd, PDRRMO, at Provincial Health Office.
Ito ay para sa paghahanda ng Laguna sa posibleng pagtama ng lindol o ng “The Big One.”
Simula October 14 hanggang 31, 2025, pansamantalang suspendido ang lahat ng face-to-face classes sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa lalawigan.
ADVERTISEMENT
Magpapatuloy ang pag-aaral sa pamamagitan ng alternative delivery modes (ADM) gaya ng online at modular learning.
Layunin ng hakbang na ito na bigyang-prayoridad ang kaligtasan ng mga mag-aaral, lalo na ang nag-aaral sa mga silid-aralan na nasa matataas na palapag.
Kaya agad ding bumuo ng Task Force Lindol na siyang gagabay sa pamayanan.
ADVERTISEMENT
Ayon sa gobernadora, ang pagpapalabas ng kanyang executive order ay nag-uutos sa lahat ng lokal na pamahalaan na magsagawa ng pagsusuri sa mga pampublikong gusali upang matiyak ang kanilang kaligtasan at tibay ng istruktura.
Sa mga oras na ito ay binabantayan ang mga lungsod na sakop ng West Valley Fault, tulad ng Calamba, Biñan, Santa Rosa, San Pedro, at Cabuyao.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng pagpapakita ng kahandaan at maagap na pagtugon sa anumang sakuna at hamon ng panahon. (Kevin Pamatmat/ News Light)
ADVERTISEMENT



