
Patay ang isang pulis habang sugatan ang isa pa matapos ang pamamaril ng isang dating Person Deprived of Liberty (PDL) sa loob ng Carmona City Police Station kahapon, July 2, bandang alas-9:20 ng umaga.
Kinilala ang suspek na si alyas “AL”, dating nakulong sa Iwahig Prison and Penal Farm dahil sa kasong pagpatay at kalalaya lamang noong June 28 nang kasalukuyang taon.
Ayon sa imbestigasyon, nasa presinto ang suspek at nakatakda sanang i-inquest kahapon dahil sa kinakaharap nitong reklamong trespass to Dwelling.
Sa hindi inaasahang pangyayari, bigla nitong inagaw ang baril ng isang pulis at walang habas na nagpaputok.
Tinamaan ng bala ang pulis na inagawan ng baril na nagbunsod sa pagkasawi nito, habang sa binti naman tinamaan ang isa pang pulis.
Dahil dito, gumanti ng putok ang iba pang pulis na nagresulta sa pagkasawi ng suspek.
Narekober sa crime scene ang Glock 9mm na ginamit ng suspek habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Provincial Forensic Unit.
Nagpaabot naman ng lubos na pakikiramay ang Police Regional Office CALABARZON at Cavite Provincial Police Office sa pagkasawi ng isang pulis.