Ekonomiya at kabuhayan ng Pilipino, nanganganib kung walang aksyon sa klima — Sen. Legarda | News Light

📅  |  ✏️ Updated

Nagbabala si Senator Loren Legarda na maaaring malugi ang ekonomiya ng bansa at maapektuhan ang milyun-milyong Pilipino kung hindi sapat ang mga magiging hakbang upang labanan ang krisis sa klima.

Sa paglunsad ng Accelerating Climate Action and Transformation o ACT Local Programme sa Sibalom, Antique, binigyang-diin ni Legarda na maaaring malugi ng ₱466 billion kada taon ang produktibidad ng bansa sa pagsapit ng taong 2030 dulot ng matinding init.

Ayon kasi sa datos, kulang 43 milyong Pilipino ang nawalan ng tirahan dulot ng mga sakuna. Kung hindi maaagapan, maaaring bumaba hanggang 13% ang gross domestic product ng bansa pagsapit ng 2040.

Binanggit din ni Legarda na ang Pilipinas umano ang pinakananganganib na bansa sa buong mundo dahil sa mapaminsalang bagyo sa nagdaang 16 na taon.

ADVERTISEMENT

Ayon sa senadora, dapat palakasin ang Local Climate Change Action Plans upang maprotektahan ang komunidad laban sa epekto ng kalikasan, at bagaman may suporta mula sa pamahalaan, mahalagang magsimula ang pagkilos sa mismong karanasan at partisipasyon ng lokal na komunidad. (Edrei Mallorca/ News Light)