Puno ng panambak na graba ang dump truck habang binabagtas nito ang kahabaan ng Brgy. Mayatba, Siniloan, Laguna, nang maaksidente ito matapos mawalan ng preno nitong Lunes.
Dito na inararo ng truck ang kubo ng mga biktima habang sila ay nagpapahinga. Hindi rin nakaligtas ang isang tricycle at isang motorsiklong nakaparada lamang sa tabing-kalsada.
Base sa ulat ng Siniloan Police, nagmula pa sa Infanta, Quezon ang truck na magde-deliver sana sa bayan ng Pakil. Subalit ayon sa driver nito, bigla umanong nawalan ng preno ang kanilang sasakyan.
Dalawa ang napaulat na nasawi habang lima naman ang sugatan na agad isinugod sa Pakil General Cailles Hospital.
ADVERTISEMENT
Kinilala ang mga biktima na itinago sa pangalang Mae, nasa hustong gulang, at isang menor de edad na lalaki. Samantala, patuloy na nagpapagaling ang mga sugatan.
Samantala, nahaharap ngayon ang driver ng truck na kinilalang si Der sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property. (Kevin Pamatmat/News Light)



