Pinagpapaliwanag ng Department of Transportation ang NLEX corporation sa nangyaring malawakang baha na nagpa-stranded sa mga motorista sa Balintawak, Valenzuela City, at Meycauayan noong July 21.
Sa show cause order ng DOTr, binatikos ang umano’y kakulangan sa kahandaan ng NLEX sa kabila ng abisong ibinigay noong mayo ukol sa tag-ulan.
Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, hindi dapat bumabaha sa expressway dahil aniya, kung hindi maigagarantiya na maayos ito magpapataw sila ng penalty.
Binanggit din na posibleng magpatupad ng toll holiday ang Toll Regulatory Board sa mga apektadong segment.
Samantala, aminado naman si Metro Pacific Tollways Corporation Chairman Manny Pangilinan na kailangan ang kooperasyon ng mga LGU at pamahalaan dahil aniya, hindi lamang ito usaping tollway kundi flood control na rin.
ADVERTISEMENT
Tiniyak ng NLEX corporation na may mga hakbang na silang ipinatupad tulad ng drainage cleaning, bridge inspections, at pagdeploy ng vacuum trucks sa mga bahaing lugar.
Gayunpaman sinabi nilang hindi naiwasan ang baha dahil sa hindi pangkaraniwang lakas ng ulan at pag-apaw ng La Mesa Dam.



