
Ngayong papalapit ang holidays, papalapit na rin ang pagbebenta at paggamit ng mga pyrotechnic devices o mga paputok, fireworks at pailaw.
Dahil dito, sinisiguro na ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Bureau of Customs (BOC) kung ligtas ba ang mga pagawaan at ang produktong paputok mula sa mga ito.
Tutukan umano nang maigi ng DOLE ang industriya ng pyrotechnics o paputok upang masiguro ang pagsunod sa occupational and health standards at iba pang batas ngayong nalalapit ang Bagong Taon.
Ito ang babala ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma noong weekend; pati na ang pagpapasara ng negosyo at pagbibigay ng work stoppage order sa mga manufacturer na lalabag.
Ayon rin kay Laguesma, makikipag-ugnayan din umano ang mga regional offices sa Bureau of Fire Protection, Philippine National Police at iba pang lokal na pamahalaan upang mapag-alaman kaagad ang delikadong mga operasyon.
Utos naman ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno ang mahigpit na pagbabantay kontra ilegal na paputok, fireworks at iba pang pyrotechnic devices ngayong pinaghahahandaang Kapaskuhan at New Year.
ADVERTISEMENT
Sa ilalim kasi ng Republic Act 7183, binanggit ang mga klase ng paputok, pailaw at iba pang pyrotechnic devices na pinapayagan sa bansa na may regulasyon sa produksiyon at pagbebenta.
Nilimitahan naman ng Executive Order 28 ang paggamit lamang ng paputok sa community firework displays, na pinirmahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. (Denniel Salayo/News Light)



