Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na mag-ingat sa mga karaniwang sakit tuwing tag-ulan, gaya ng water-borne diseases, influenza-like illness, leptospirosis, at dengue (WILD).
Sinabi ni DOH spokesperson Albert Domingo na mahalagang magpakulo ng inuming tubig nang hindi bababa sa dalawang minuto upang maiwasan ang diarrhea.
Ipinayo rin niya ang madalas na paghuhugas ng kamay bilang proteksyon laban sa sakit tulad ng trangkaso.
Kung may sintomas ng ubo, sipon, lagnat, at pananakit ng katawan, mas mabuting magpahinga sa bahay upang hindi makahawa.
Para sa leptospirosis, pinayuhan ni Domingo ang mga binaha na agad kumonsulta sa health center kahit walang sugat o sintomas, dahil posibleng nakapasok ang bacteria sa balat.
Bilang proteksyon laban sa dengue, pinaalalahanan din niya ang publiko sa “taob, taktak, tuyo at takip” upang masigurong walang mapamugaran ng lamok sa paligid.