Muling iginiit ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mahigpit na babala sa mga shipowners at manning agencies na iwasan ang paglalayag sa Red Sea at Gulf of Aden, o huwag nang isama ang mga Pilipinong seafarer sa mga barkong daraan sa nasabing high-risk areas.
Sa isang virtual press briefing nitong Martes, sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na hindi na papayagang makasampa ang mga Pilipinong seafarer sa MV Magic Seas at MV Eternity C, matapos ang magkasunod na pag-atake ng mga Houthi rebels sa dalawang barko nitong Linggo at Lunes.
Labing-pitong Pilipino at dalawang crew member mula sa MV Magic Seas ang ligtas na nailigtas at kasalukuyang pauwi na matapos ang matinding pag-atake.
Samantala, inaalam pa ng DMW ang kalagayan ng mga Pilipinong sakay ng MV Eternity C, kung saan may naiulat na sugatan at nawawala.



