DHSUD, nanawagan sa LGUs na higpitan ang pagpapatupad ng no-build zones at climate-resilient planning | News Light

📅 November 14, 2025 2:43 PM PHT

Dahil sa hindi inaasahang pagbaha sa Cebu na kumitil ng daan-daang buhay, nanawagan ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa mga lokal na pamahalaan na maghigpit sa kanilang polisiya sa pagtatayo ng mga imprastraktura.

Mahigpit na no-build zones at climate-resilient land use planning ang panawagan ng DHSUD upang maiwasan ang pagbaha at iba pang sakuna sa mga mas mabababang lugar.

Ayon kay DHSUD Undersecretary Henry Yap, ang pagbaha sa ilang bahagi ng bansa, kabilang ang Cebu, ay dulot ng pagkawala ng forest cover at mahinang pamamahala sa mga kabundukan.

ADVERTISEMENT

Ibinahagi ni Yap na nakatanggap ang Cebu ng mahigit 180 millimeters ng ulan sa loob lamang ng bente kwatro oras sa kasagsagan ng Bagyong Tino, mas mataas kumpara sa karaniwang buwanang ulan na 130 millimeters.

Binigyang-diin niya na hindi sapat ang mga proyekto sa flood control at kailangan ding repasuhin ang mga permit sa mga upland area.

Ani Yap, kailangang i-update ng mga lokal na pamahalaan ang kanilang comprehensive land use plans batay sa datos ng PAGASA at Mines and Geosciences Bureau upang maging handa sa epekto ng pagbabago ng klima.