‘Greatly concerned’ — ‘yan ang naging pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa lumalalang tensyon sa Middle East.
Ito ay matapos ianunsyo ni U.S. President Donald Trump ang bomber strike sa tatlong nuclear site ng Iran kahapon.
Nanawagan ang ahensya sa mga bansang kabilang sa gulo na tahakin ang diplomasya.
Muli nitong iginiit na prayoridad nila ang kaligtasan ng mga Pilipinong naiipit sa kaguluhan sa Iran at Israel.
Kinundena naman ng mga bansang gaya ng Russia at China ang pag-atake ng Amerika.
Nagpahayag rin ng pagkabahala si Pope Leo XIV at hiniling ang kapayapaan at pagtigil sa paggamit ng dahas.
26 OFWs sa Israel, matagumpay na naiuwi sa Pilipinas
Matagumpay namang na-repatriate ang 26 overseas Filipino workers (OFW) mula Israel sa ilalim ng voluntary repatriation program ng Philippine Embassy, sa gitna ng lumalalang tensyon sa pagitan ng Israel at Iran.
Ayon sa embahada, tinulungan ng kanilang team ang mga repatriates sa Allenby Border Crossing upang matiyak ang kanilang ligtas na pag-uwi.
Nagbigay ang embahada ng kumpletong logistical at welfare support, kabilang na ang transportasyon, transit visa, travel documents, at plane ticket pabalik ng Pilipinas.
Inanunsyo rin ng embahada na kasalukuyang inaayos ang repatriation ng ikalawang batch na may 33 Pilipino.
Nasa Alert Level 3 pa rin ang Pilipinas sa Israel at Iran, at hinihimok ang mga kababayan doon na mag-ingat at mag-avail ng repatriation assistance kung kinakailangan.
Inaasahang darating sa Pilipinas ngayong linggo ang mga repatriates para sa kanilang reintegration processing sa tulong ng DMW at OWWA.