Dating reporter, patay makaraang pagtatagain sa Montalban

📅  |  ✏️ Updated

Patay ang isang 68-anyos na dating reporter ng Manila Bulletin at ngayon ay Barangay Tanod, makaraang pagtatagain ng kainuman habang naka-idlip sa sobrang kalasingan sa Sitio Wawa, Brgy. San Rafael, Montalban, Rizal.

Kinilala ang biktima na si Norberto “Bert” Javier, na idineklarang dead on arrival sa ospital, habang ang suspek ay si Victor Enavia, 33-anyos, na isa umanong negosyante mula Sitio Sapa.

Nakuha pang i-video ng suspek ang kanyang pananaga sa biktima habang paulit-ulit ang pagsasabi na wala siya sa sarili.

Humingi din ito ng paumanhin habang isinasagawa ang karumal-dumal na krimen.

Isang concerned citizen naman ang nakasaksi sa insidente at agad tumawag ng pulisya, na nagresulta sa agarang pagkakaaresto ng suspek.

ADVERTISEMENT

Sa ngayon, walang malinaw na dahilan ang suspek sa kanyang ginawa.

Nananawagan naman ang mga awtoridad sa mga kaanak ng biktima na makipag-ugnayan sa pulisya, dahil wala itong pamilya sa nasabing lugar.