
Huli ang dalawang snatcher ng cellphone sa isinagawang follow-up operation ng kapulisan sa Rodriguez, Rizal.
Base sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente kamakalawa ng gabi sa Brgy. San Jose, kung saan habang naghihintay ng sasakyan ang 23-anyos na biktima ay bigla na lamang itong nilapitan ng isa sa mga suspek at sapilitang kinuha ang cellphone nito.
Agad namang gumawa ng ingay ang biktima na siyang nakakuha sa atensyon ng mga pulis na nagpapatrolya.
Unang naaresto ng mga operatiba ang suspek na si alyas Elhy, 24-anyos, at narekober ang cellphone ng biktima.
Tinangka pang tumakas ng isang suspek subalit nahuli rin kalaunan sa Brgy. San Isidro nang nasabing bayan.
Kasalukuyan nang magkasama ang dalawang suspek sa piitan para harapin ang kasong robbery.