Naglabas ng anunsyo ang Department of Transportation (DOTr) na wala munang taas-pasahe sa mga tradisyunal at modern jeepney dahil sa naganap na big-time rollback sa produktong petrolyo noong nakaraang linggo.
Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, malaki ang magiging epekto sa ekonomiya at pangkalahatan kung magtataas ng pasahe sa pampublikong transportasyon, partikular sa tradisyunal at modern jeep, sapagkat bumabangon pa lamang ang ilang probinsya matapos manalasa ang mga bagyo sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa tala ng LTFRB, limang rehiyon ang tumanggi sa dagdag-pasahe, kabilang ang Metro Manila, Central Luzon, Central Visayas, Bicol Region, at CALABARZON, kung saan ito ang mga lugar na matinding naapektuhan ng kalamidad.
Base sa pag-aaral ng Department of Economy, Planning and Development (Dep-Dev), maaaring magpataas ng inflation rate ang umento sa pasahe sa jeep na piso hanggang dalawang piso.
ADVERTISEMENT
Batid naman ng DOTr ang hinaing ng mga tsuper para sa taas-pasahe, ngunit sana ay maintindihan umano nila ang magiging epekto nito sa mga mananakay at iba pang kailangang ikonsidera bago maaprubahan ang kanilang kahilingan.
Samantala, nagpaalala rin ang DOTr sa mga kolorum o namamasada nang walang prangkisa. Ayon sa ahensya, dapat samantalahin ang pagbubukas ng 17,000 slots para sa Transport Network Vehicle Service (TNVS) at mag-apply upang maging legal upang hindi na maabala pa ang kanilang hanapbuhay sa lansangan. (Austin Gonzaga/News Light)



