Dagdag pasahe, hinirit ng mga transport groups sa LTFRB | News Light

📅
👤 Newslight  |  📂 News Light, Latest News

“Pagtaas ng pamasahe” — ito ang pangunahing hiling ng mga transport group sa isinagawang public consultation ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa proposed fare increase ng mga tradisyunal at modernized jeepney, bus, taxi, at Transportation Network Vehicle Service (TNVS).

Dumalo ang mga grupo tulad ng Laban TNVS, Pasang Masda, at Piston upang ipaliwanag kung bakit kailangan ng dagdag-pasahe.

Ayon kay LTFRB Chairman Vigor Mendoza II, muling binubuksan ang mga petisyong naantala pa mula 2023 dahil sa mga isyu gaya ng colorum, overlapping routes, at pagtaas ng presyo ng piyesa at maintenance.

Humihiling ang TNVS ng ₱30 dagdag sa base fare mula ₱45, habang ₱1 naman ang hiling ng Pasang Masda dahil sa mahal na gasolina.

ADVERTISEMENT

Ngunit ayon kay Atty. Ariel Inton ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, imbes na dagdag-pasahe, dapat magbigay ng fuel subsidy ang gobyerno.

May ₱2.5 bilyong pondo para rito sa 2025 General Appropriations Act, at nakahanda na ang sertipikasyon ng DOE sa $80 per barrel na presyo ng langis. Hihintayin ng LTFRB ang rekomendasyon ng NEDA bago magdesisyon sa taas-pasahe. (Austin Gonzaga/News Light)