Nakumpiska ng Department of Agriculture (DA), kasama ang iba pang ahensiya ng pamahalaan, ang ₱34.2 milyong halaga ng smuggled agricultural products mula China sa Port of Manila.
Dumating ang anim na container noong Mayo 27 at Hunyo 1, at idineklara bilang assorted food items gaya ng mantou, egg noodles, at kimchi. Ngunit kalauna’y natuklasang naglalaman ito ng frozen mackerel, pati na pula at puting sibuyas.
Iginiit rin ni Health Secretary Ted Herbosa na may seryosong food safety risk ang mga smuggled goods.
Ayon naman sa DA, ang mga produktong ito ay posibleng may kaugnayan sa mga naunang nasabat na sibuyas sa Paco Market na nagpositibo sa E. coli — na maaaring magdulot ng matinding sakit sa tiyan, lagnat, dehydration, at panganib sa kalusugan ng publiko.
Gayunpaman, sinabi ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na patuloy ang operasyon kontra smuggling alinsunod sa direktiba ng Pangulo upang maprotektahan ang lokal na agrikultura.
Samantala, ang mga kargamentong nakapangalan sa Latinx at Lexxa Consumer Goods Trading ay isasailalim sa pagsusuri, at ang mga sangkot ay maaaring managot sa ilalim ng R.A. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act. (Edrei Mallorca/News Light)