Inanunsyo ng Department of Agriculture (DA) na itataas sa 20% mula sa kasalukuyang 15% ang taripa sa inaangkat na bigas simula Enero 1, 2026, bilang paghahanda sa muling pagbubukas ng rice importation sa susunod na taon.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., isinasaalang-alang sa desisyon ang paghina ng piso at ang inaasahang pagtaas ng pandaigdigang presyo ng bigas kapag muling pumasok ang Pilipinas sa merkado.
Upang maibsan ang pasaning pinansyal ng mga importer, wawakasan din ng DA ang 10% down payment para sa sanitary and phytosanitary import clearances.
Hinikayat din ni Tiu Laurel ang mga rice importer na mag-diversify ng suppliers at huwag umasa lamang sa Vietnam, kundi isaalang-alang ang Cambodia, Myanmar, at iba pang bansa.
ADVERTISEMENT
Nilinaw ng DA na ang lahat ng imported rice ay dapat dumating bago kalagitnaan ng Pebrero at papasok lamang sa 17 piling pantalan upang maprotektahan ang kita ng mga lokal na magsasaka sa panahon ng ani.



