COMELEC, naghahanda sa manual election sa Bangsamoro matapos ang SC ruling

📅 October 7, 2025 11:51 AM PHT

Naghahanda ang Commission on Elections na isagawa ang manual election para sa Bangsamoro parliamentary elections matapos ideklarang unconstitutional ng Korte Suprema ang ilang batas na nagtakda ng mga distrikto sa rehiyon.

Sa en banc decision ng Supreme Court noong September 30, ibinasura ang Bangsamoro autonomy Act nos. 58 at 77 na lumikha at magbago sa mga distrikto sa Bangsamoro.

Ayon kay COMELEC spokesperson John Rex Laudiangco pinag-aaralan nila ang manual na halalan bilang pagtugon sa utos ng Korte Suprema na isagawa ito bago mag-March 2026.

ADVERTISEMENT

Sakali namang kulangin sa oras ang preparasyon, posibleng humingi ang COMELEC ng pag-adjust ng petsa ng halalan pero dapat ito’y akma sa Omnibus election code.

Paliwanag ni Laudiangco, hinihintay pa rin nila ang bagong Bangsamoro autonomy act na mag-aayos ng tamang distrito at makatutugon sa desisyon ng Korte.

Matatandaang sa October 13 ang nakatakda sanang araw para sa Bangsamoro parliamentary polls.