Nagpahayag ng pasasalamat ang Embahada ng Tsina sa Maynila sa Philippine Coast Guard (PCG) dahil sa maagap na tulong na ibinigay sa isang Chinese national na nakuryente habang naglalayag sa Basilan Strait.
Sa isang social media post, kinilala ni Embassy Deputy Spokesperson Guo Wei ang mabilis na pagtugon ng PCG sa insidente.
Ayon sa Coast Guard District Southwestern Mindanao, nakatanggap sila ng distress call mula sa MV Min Hua 9 para sa agarang medical evacuation ng 55 anyos na Chinese crew member.
Kaagad na ipinadala ang BRP Tubbataha, kasama ang medical team, upang sagipin ang pasyente.
ADVERTISEMENT
Matagumpay na nailigtas ang biktimang Chinese sa parehong araw at isinugod sa pinakamalapit na ospital sa Zamboanga City para sa karagdagang gamutan.



