Muling nang-harass ang China Coast Guard sa mga barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) noong Biyernes sa Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea.
Sa video mula sa Philippine Coast Guard (PCG), makikita ang pagbuga ng tubig ng barko ng China sa BRP Datu Taradapit at BRP Datu Tamblot.
Kabilang ang mga barko sa apat na ipinadala ng BFAR upang dalhan ng suplay ang mga mangingisda na nasa Bajo de Masinloc, o kilala rin bilang Scarborough Shoal.
Maliban dito, binuntutan rin ng isang CCG vessel ang BRP Datu Daya, at pinalibutan naman ng mga barkong pandigma ng People’s Liberation Army Navy ng China ang BRP Datu Bangkaya.
Ayon sa tagapagsalita ng China Coast Guard, propesyonal at lehitimo ang aksyon ng kanilang mga barko.
Giit naman ni PCG spokesperson Jay Tarriela, nasa exclusive economic zone (EEZ) ang naturang lugar at may karapatan ang mga Pilipino sa mga katubigang ito, lalo na sa pangingisda o pagkuha ng mga lamang-dagat.