Makatulong sa gastusin ng mga magulang at makapagtrabaho agad ang mga estudyante—
‘Yan ang layunin ng Three-Year College Education (3CE) Act na inihain ni Senador Sherwin Gatchalian.
Hinimok ng senador na pag-aralan na ng Commission on Higher Education (CHED) at ng Department of Education (DepEd) ang naturang panukala.
Ayon sa senador, maraming subject na nasa Senior High School (SHS) ang nauulit lamang sa kolehiyo, gaya ng Physical Education (PE).
Nasasayang aniya ang oras ng mga mag-aaral na dapat ay nakatuon na sa kanilang major subjects.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Gatchalian na mahalagang mapalakas ang senior high school na siyang magtuturo ng mga subject gaya ng critical thinking at communication, na mahalaga para sa kolehiyo.