Matapos ang tatlo hanggang limang oras na “carmageddon” sa Marcos Highway hanggang Aurora Boulevard, Quezon City nitong Sabado, nagpulong ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga local government unit hinggil dito.
Sa pagpupulong ng MMDA at mga lokalidad, napagkasunduan na solusyunan upang hindi na maulit ang ganitong klaseng kalbaryo sa mga motorista at mga komyuter bunsod ng Christmas rush na nangyayari sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon sa MMDA, wala nang hurisdiksyon ang kanilang ahensya sa labas ng Metro Manila tulad ng Rizal, ngunit nakipagkasundo ang mga LGU nito tulad ng Cainta at Antipolo na makikipag-ugnayan sa kanila.
Magkakaroon na umano ng truck ban at pansamantalang pagpapalit sa concrete barriers ng orange plastic barriers upang buksan ang mga U-turn slot sa bandang Marcos Highway at Gil Fernando Avenue. (Austin Gonzaga/News Light)



