Itinaas na sa Alert Level 2 ang alert status ng Bulkang Mayon.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), 47 na insidente ng rockfall ang naitala noong Disyembre 31, 2025—ang pinakamataas na bilang ng rockfall event sa isang araw noong nakaraang taon at malayo sa average na 10 events per day sa huling dalawang buwan.
Na-detect umano ng PHIVOLCS ang ground deformation malapit sa bulkan, indikasyon na umaakyat ang magma at hydrothermal fluids patungo sa surface.
Mahigpit na babala ng ahensiya sa publiko na huwag nang pumasok sa anim na kilometrong Permanent Danger Zone upang makaiwas sa biglaang pagsabog, rockfall, landslide, at pyroclastic density currents (PDCs)—biglaang pag-agos ng pinagsamang abo, mga bato, at volcanic gas—kapag mayroong pagsabog.
Inabisuhan na rin ang mga residenteng malapit sa bulkan na maghanda sa posibleng ashfall at sumunod sa mga otoridad.
ADVERTISEMENT
Patuloy pa ring magbabantay ang PHIVOLCS kasama ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Albay. (Denniel Salayo/News Light)



