Itinaas na ang Alert Level 1 sa Bulkang Bulusan matapos itong magbuga ng abo nitong Lunes ng madaling araw na tumagal nang lagpas 24 na minuto.
Zero visibility na ang mga kalsada sa lalawigan ng Sorsogon, Lunes ng umaga batay sa cellphone video ng Office of Civil Defense (OCD) bunsod ng ashfall kaya’t bumagal din bahagya ang andar ng mga sasakyan.
4:36 ng madaling araw nang sumabog ang Bulkang Bulusan na tumagal hanggang 5:00 ng madaling araw at nagbuga rin ng ash plumes na umabot nang 4,500 meters ang taas.
“We expect that of similar phreatic activity may happen in the next few days or even few weeks,” giit ni Dr. Teresito Bacolcol ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Ayon sa Phivolcs, April 21 pa nang makitaan ng abnormal activity ang bulkan.
“‘Yung mga volcanic earthquakes at Alert Level Zero, may mga pag-lindol pa rin sa Bulusan Volcano pero hindi ‘yan lalagpas ng 5, pero noong past several days umabot ito ng 96 noong April 21. So, dumarami ‘yung paglindol and ‘yun ‘yung isa sa [indication] kaya agad na nagpalabas tayo ng advisory,” dagdag ni Dr. Bacolcol.
Itinaas ng Phivolcs sa Alert Level 1 ang Bulkang Bulusan, at inirekomenda rin sa local government unit na ipatupad ang 4-kilometer Permanent Danger Zone.
Giit ni Dr. Bacolcol, “So hindi pa naman natin in-extend ‘yung danger zone to 6 kilometers. Hanggang 4 kilometers lang tayo and even at Alert Level Zero dapat walang tao inside the 4-kilometer permanent danger zone.”
Gayunman, mahigpit anilang mino-monitor ang lagay ng bulkan lalo’t June 2022 pa huling nagkaroon ng phreatic eruption ang bulkan.
Paalala ng mga awtoridad sa mga apektado ng pagputok ng bulkan, hangga’t maaari ay iwasan muna ang paglabas ng bahay o outdoor activity. Pero kung hindi maiwasan, magsuot ng protective masks gaya ng N95, o kung wala naman ay basain ang towel at ipantakip sa ilong para makaiwas sa paglanghap ng abo.
Agad ding nagkasa ng clearing operations ang mga kawani ng Bureau of Fire Protection sa iba’t ibang lugar sa probinsya para matanggal ang abo.
Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) naman, tiniyak na nakahandang umalalay sa mga apektadong residente.
“Mayroon tayong mahigit na 180,000 family food packs na naka-pre-positioned sa entire Region 5. Actually more than 25,000 of that can be found in Sorsogon,” saad ni DSWD Asec. Irene Dumlao.
Magdadagdag ng 20,000 food packs ang DSWD National, partikular sa Bulan, Casiguran, at Irosin, Sorsogon na napuruhan ng pagputok ng bulkan.
May nakahanda ring non-food items ang ahensya gaya ng mga modular tents.
“Ito ay pinapamahagi natin sa mga internally displaced populations particularly to those who are taking temporary shelter in the evacuation centers,” dagdag pa ni Asec. Dumlao.
Samantala, sa pahayag, sinabi ni dating Sorsogon Governor at ngayo’y Senate President Francis Escudero na nakipag-ugnayan na sila sa ilang concerned agencies para tiyakin ang tulong sa bawat apektadong residente at sinigurong handa ang evacuation centers sa probinsya.