Handa ang Philippine National Police (PNP) na isaalang-alang ang bone structure ng mga pulis sa pagpapatupad ng weight limit.
Ito ang paglilinaw ni PNP chief General Nicolas Torre III kasunod ng kanyang pahayag noong Lunes na sisibakin sa puwesto ang mga pulis na lalagpas sa standard weight ng PNP.
Ayon kay Torre, posibleng overweight ang ilang pulis dahil sa kanilang bone structure, kaya’t isasaalang-alang ito ng pambansang pulisya basta’t may basehang medikal.
Ayon naman kay PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo, dadaan muli sa physical training ang mga kawani na babagsak ng dalawang beses sa mga physical fitness test.
Hirit ni Torre, tanging ang mga pulis lamang na may mabigat na timbang at hindi nag-eehersisyo ang maaapektuhan ng weight limit.
Pagdidiin ng PNP chief, angkop dapat ang timbang ng isang pulis sa kanyang taas, edad, at kasarian, batay na rin sa Republic Act No. 6975 o ang Department of the Interior and Local Government Act.
Ang nasabing weight limit ay pagpapakita umano ng disiplina sa sarili at sa hanay ng kapulisan. (Evan Clemente)