Maliban sa kaso gaya ng indirect bribery at malversation, maaari ring sampahan ng kasong tax evasion at tax deficiency ang mga personalidad na sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Sa panayam kay Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui Jr., iginiit nito na may initial assessment na ang ahensya base sa mga paunang data at testimonya na kanilang nakalap.
Hiwalay na imbestigasyon na nakatutok sa tax evasion at deficiency ang isasagawa ng ahensya sa mga kontratista, mambabatas, at opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay Lumagui, posibleng umabot sa bilyong piso ang buwis na hindi binayaran ngunit wala pang maibibigay na eksaktong halaga ang BIR sa ngayon.
ADVERTISEMENT
Kung mapatunayan na may iregularidad, ipapabalik ang mga hindi binayarang buwis at sasampahan ng kasong kriminal na maaaring humantong sa pagkakakulong ng mga sangkot.
Posibleng ilabas ng BIR ngayon o sa susunod na linggo ang paunang mga personalidad at ang mga kasong isasampa.



